Thursday, October 14, 2004

Si Maria Clara, Si Mardalena at Ako

Si Maria Clara, larawan ng kahinhinan, ng kariktang hinahangaan, ng kapinuhan sa kilos at pagsasalita, ng Filipinang mayumi at mapagmahal, ng Filipinang tapat sa pag-ibig at handang magsakripisyo sa kapakanan ng kanyang mga minamahal, ng Filipinang relihiyosa at masunurin. May pagpapahalaga sa kulturang umiiral at may kapusukang kontrolado ng lipunan.

Mula elementarya hanggang kolehiyo, matiyagang pinaunawa sa amin ng aking mga naging guro sa Literaturang Filipino at pag-aaral sa Buhay at mga Akda ni Rizal ang mga katangian ni Maria Clara upang aming gayahin at ipamuhay. Maging sa tahanan, layunin ng mga nanay at lolang ipamana sa kanilang anak o apong babae ang mga gawing Maria Clara.

Lumaki ako sa piling ng apat na lalaki, si tatay at ang tatlo kong kapatid. Panganay ako’t halos ang pasikut-sikot sa kusina’t buong kabahayan ay akin ng kabisado. Sa murang edad ay iminulat na ako ng aking mga magulang sa mga gawaing ito, sapagkat sagisag daw ito ng pagiging responsible at matulungin. Kaligayahan daw nila na makita nila akong may kakayahang tumayo sa aking sariling mga paa. Sapagkat darating ang panahong, ako’y mag-iisa sa mundong puno ng pagsubok at pakikipagsapalaran. Natutunan ko ang mag-asikaso ng mga kapatid. Inaabutan akong ng aking mga kalarong abala sa paglilinis ng bahay o kaya’y sa pagtulong kay nanay na naglalaba. Mula umaga hanggang tanghali ang gawain sa bahay. Pagdating ng hapon, magsisimula ng ala-una hanggang alas-tres ay and pagpapatulog naman sa aking mga kapatid samantalang ang aking mga kababata’y abala sa paglalaro ng piko o bahay-bahayan. Ang ginagawa ko’y pinagsasabay ko ang pagpapatulog at panunuod sa aking mga kalaro na tanaw ko sa bintana. Naririnig ko ang iba nilang kulitan at galitan, at ako’y nakikitawa sa bawat halakhakan. Minsa’y sinita ako ni Inay, “Ano bang tinatawa-tawa mo diyan, intindihin mo ang pagpapatulog at mayamaya’y mag-iigib pa tayo ng tubig.” Nakontento na ako sa gawing ito. At minsan kung may pagkakataon ako’y tumatakas at nakikisali sa kanila. Ngunit wala nga lamang kapanatagan, sapagkat di kailangang ako’y mapasarap sa paglalaro, baka di ko makitang si Inay ay parating, tiyak tainga ko’y kanyang pipingutin. Kakaba-kaba, pero masaya. Masaya? Siguro! Natanggap ko na na iyon ang pinakamadaling paraan upang panandaliang ako’y makaramdam ng kasiyahan at kalayaan.
Maraming beses na sa aking murang edad, ako’y nagtatanong sa sarili. Bakit kailangan kong magtiis sa kapapanood sa kanila’t di ako pwedeng sumali? Bakit dapat ako’y sa bahay lamang? Bakit kapag ang mga kapatid kong lalaki ang maglalaro pwede mula umaga hanggang gabi? Bakit pinagagalitan ako kapag hindi makatulog sa tanghali ang aking mga kapatid? Bakit hanggang bahay-bahayan, sungka, garter, at manikang papel lang ang aking laruan o libangan. Bawal tumakbo, bawal ang shorts, bawal sumali sa mga larong panglalaki. Pero ang mga lalaki pwede sa mga larong amin lamang sana.

Masaya kapag kasama naming maglaro ang mga lalaki, marami silang ideyang makatutuwa at interesante, ngunit ang kasayaha’y nasasalansan ng isipang “mahirap daw na kami’y magkasama”, dahil “ang babaing malapit sa lalaki’y malandi at kiri”. Gayahin daw namin si Maria Clara, ang kanyang kilos ay may pag-iingat, di padalos-dalos at di pinahahalata ang damdamin sa lalaking iniirog, ang sikreto’y sa kapwa babae lamang ipinahahayag.
Sa aking paglaki ang imahen ni Maria Clara ang aking dinala sa labas ng bahay, hindi sa loob. Maraming beses na kami’y nagtatalo ng aking mga kapatid dahil para silang ahas kung magpalit ng damit. Kung saan abutin ng paghuhubad, mapa sa sala o sa hagdan, sundan mo’t pirapiraso mong matatagpuan. Lumaki silang malaya sa gusto nilang gawin. Na kahit may mga pagkakataong sila’y pinangangaralan bunga ng aking pangungulit at pag-angal, parang hindi na epektibo, at tila din na tumitimo sa isipan nila.

Maraming beses kong naririnig sa tuwing ako’y umaangal ang katagang “hayaan mo na, panganay ka dapat mo silang unawain, at babae ka!”. Babae ako, kaya dapat tanggapin ko ang ugali ng mga kapatid kong ninanais kong mabago. Babae ako kaya dapat ako ang magtiis. Babae ako kaya dapat ako ang kumilos sa bahay at magligpit. Ang aking pag-iyak at pagbubunganga ay natural na sa akin, dahil babae ako, kaya’t di na gasinong pinapansin. Babae ako! Kung ganito rin lamang ang kondisyon sa pagiging babae, ayoko nang maging Babae!!!
Noong malapit na akong matapos ng kolehiyo, palagiang pumapasok sa aking isipan, “Ano kayang trabaho ang pwede kong pasukan habang di pa ako natatanggap sa aking inaap-playan?” Alam kong maraming tapos sa pag-aaral ngunit walang trabaho. Karamihan sa mga babaeng tapos, sa lansangan mo matatagpuan. Bansag sa kanila’y “napariwara”, dahil may pinag-aralan ngunit di naman daw ginagamit. Ang iba’y maagang nakapag-asawa dahil, ayon sa isa kong kaibigan, napagdesisyunan daw niya itong gawin upang may masandalan.
Habang sila’y abala sa kani-kanilang plano, okupado ang isip ko ng mga trabaho tulad nang: pagtitinda sa construction sites, tricycle driver, taga-latag ng papag tuwing tiyangge sa plaza o sa palengke. Marami kasi akong koneksyon sa mga nasabing trabaho kaya’t tuwina’y ang mga ito ang sumasagi sa isip ko. Alam kong mahirap ang mga trabahong aking nabanggit, ngunit kakayaning ko upang sa pamilya ako’y makatulong na.
Minsang ako’y nagpahiwatig ng interes ko sa mga nasabing gawain sa isa kong kakilala, siya ay nagtawa at sabi’y ako’y nahihibang na! Delikado daw sa gawaing iyon, at panglalaki lang daw ‘yon sunod niya. Nagpahabol pa ng payo na lalo kong kinainis, “Ika’y umuwi na at magpaganda, sapagkat sa bahay ikaw ang reyna, hindi sa kalsada.”

Sa kanto, ako’y napadaan galing sa eskwelahan, may umpukan ng mga kalalakihan, ang iba’y naging kakaklase ko sa elementarya, ang iba’y matagal ng tapos at walang pirmihang trabaho. Malulungkot ang kanilang mukha habang nagkukuwentuhan sa gitna nila’y umaaaliw ang Tanduay. Nang medyo malapit na ako sa kanila, aking naulinigan ang kanilang usapan. Ang tema ng kanilang kwentuhan ay ang hirap ng paghahanap ng trabaho. Naki-naki’y gustong ko sanang sumabat! Gusto kong ipabatid na maraming praktikal na trabahong pwedeng pasukin. Kung ako ang naging lalaki di ko magiging problema ang kanilang pino-problema.
Minsan nga naisip ko, sana naging lalaki na lamang ako. Siguro di limitado ang pwede kong gawin. Mas malawak siguro ang oportunidad na darating sa akin, walang magbabawal sapagkat kami ang inununawa at pinagtitiisan.

Hanggang minsa sa daan pauwi mula sa eskwelahan, may nakita akong dalawang lalaking nagtatalo at may isang babaing sa kanila’y pumipiit at pumapagitna sa dalawang akmang magsusuntukan. Ang sabi ng isa, “Pare huwag mo na siyang idamay dito, dahil babae siya”. Narinig ko nanaman ang “magic word”, babae siya. Larawan ng kahinaan at limitasyon.

Ngunit sa bawat pagsikat at paglubog ng araw, di nito nabubura ang realidad na “Babae ako”. Hindi ko kailangang mabuhay sa ilusyon na baka sakaling sa hinaharap na panahon maging lalaki ako. Na baka sa may engkantadang ako’y pagkakalooban ng kahilingan at ako’y pagbigyan sa aking naising magbago ng kasarian.
Pinabababa ng naghaharing kaisipang ang aking pagkatao. Nakalimutan ko nang pahalagahan ang aking sarili, siguyo’y napagod na ako sa kaiiyak at kadadaldal, sa naising ako’y marinig naman; siguro’y unti-unti ko naring natatanggap ang sistemang ipinipilit at itinatanim sa aking isipan ng lipunan mula pa pagkabata, siguro’y namanhid na ako sa sakit na sa aking pagkababae’y idinudulot ng baluktot na pananaw sa aking tunay na halaga, bilang nilalang; siguro’y di ko lang alam ang aking gagawin at wala akong makitang kakampi sa isang adhikaing karapatan ng babae’y ipaglaban sa kapaligirang aking ginagalawan. Ngunit isang bagay ang may kasiguraduhan, babae ako at naglalakbay.

Tipikal akong babaeng matatagpuan sa komunidad. Marami pang tulad kong naghahanap ng karamay. Kamalaya’y nalilihim, sapagkat di pinakikinggan. Tahimik sa apat na sulok ng tahanan. Nagnanais na lawak ng mundo’y mamasdan at naghihintay ng pagkakataong ako’y pagbigyan.
Sa tuwinang ako’y titingala sa bughaw na kalangitan, pangarap ko’y naglalaro sa aking isipan. Para silang pelikulang iba’t iba ang eksena. At aking pinanabikan ang dulo ng bawat kabanata. Masarap, libre ang mangarap. Ngunit sa pag patak ng ulan sa aking pisngi o pagkapuwing ng mata ko sa dumi, nauudlot ang aking pagmumuni-muni. At ako’y bumabalik sa katotohanan ng buhay kong ginagalawan.
Kailangang may mabago, kailangan kong kumilos, kailangan kong magsimula tungo sa pag-abot sa mga larawang napakapinta sa isipan ko twina, ng di ko na kailanganing tumingala pa upang ito’y malaya kong mapagmasdan, kundi’y ganap ko na itong maranasan.

Ang limitasyong sa mga babae’y idinikta ay marapat na gamitin tungo sa pagbabagong aming nasa. Sa paligid, marami pala silang lumalaban ngunit dinudusta.

Laman ng pahayagan at programa sa telebisyon ang kababaihang lulong sa prostitusyon. Aking naaalala ang aking kaibigan na nagpasyang magpakasal upang siya’y may masandalan at ang ibang babaeng piniling sa bahay aliwan na abutin ng takiplisim dahil doon sila’y pinapansin, pinag-aagawan. Doon nila nararamdaman ang pangangailangan sa kanila ng lalaki. Doon lahat nang kanilang hiling ay sinusunod ng “customer” na nag-table sa kanila. Doon sila ang nasusunod. Doon sila ay kaakit-akit, at atesyon ng mga kalalakiha’y sa kanila nakatuon. Doon may kalayaan silang gawin ang ibig nila. Doon ang boses nila ang pinakikinggan nang lalaking nagnanais na siya ang tabihan at tanggapin ang alok na salapi kapalit ang panandaliang aliw.

Di ba’t larawan sila ng babaeng lumalaban at patuloy na nakikipagsapalaran sa mapanghamong takbo ng lipunang pilit silang ikinakahon? Sila ang larawan ng mga kababaihang itinaboy sa ganitong gawain dahil pinagkaitan ng pagkakataong mapatunayan ang kakayanan sa ibang larangan. Masisisi ba natin sila na dito nakatagpo ng kalayaang, matagal nilang hinahanap. Masisisi ba natin sila, kung sabihin nila sa ating “masaya na kami dito”, dahil ang pintuan tungo sa tagumpay ay pinakitid ng mapanakop na kaisipang babae’y di pinahalagahan? Masisisi ba natin sila kung mas piliin nilang manatili sa ganitong uri ng gawain, kung saan kanilang natutustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan?

Katawan nila ang kanilang puhunan, ang kayamanang biyaya ng Maykapal sa babaeng kanyang nilalang. Ang katawang ito ang bumebenta at minamahalaga. Animo’y ito na lamang ang pagkakakilanlan sa Babae.
Magdalena,marumi, mababang lipad, mga salitang sa mga ganitong uri ng babae’y ibinabato. Ngunit sila’y nagpapatuloy na lumalaban at namumuhay. Bukas ang isipan sa kalakaran ng lipunang kanilang ginagalawan. Dumarami sila araw-araw, pabata ng pabata.

Si Maria Clara, simbahan ang naging takbuhan. Sa pag-asang dito siya makakahinga ng maalwan mula sa paninikip ng dibdib sa mga damdaming samu’t sari, dulot ng kanyang dinagdaanang karanasan. Dito siya sumasanguni, sa paghahanap ng kasagutan sa mga katanungang sa kanya’y gumugulo. Rosariyo, ang hugutan ng lakas at sandata sa panganib. Pagkukumpisal naman, sa hangaring makalagan ang tanikala ng kunsyensang nagbubulong siya’y nagkasala at kailangan magsisi.

Ngunit maraming taong simbahan ang magbabansag sa mga Magdalenang ito ng iba’t ibang taguri. May mga taong sabi’y sila ay Kristiyano, ngunit sila’y pinandidirihan. May mga taong sabi’y relihiyoso’t relihiyosa ngunit sila’y iniiwasan.

Saan sila tatakbo, sino ang magpapakilala sa kanila kay Kristo na handang magpatawad sa mga kasalanan maging gaano man ito kabigat?

Tulad ni Maria Clara, nananaghoy sa malakas na ulan at liwanag ng kidlat, ang boses ay di marinig dulot ng ingay na sa paligid ay bumabalot. Kumbento ang kanyang naging taguan, sa pag-aakalang dito siya’y makakalimot sa mga di magagandang karanasang kanyang pinagdaanan. Tila hindi ito nakatulong sa kanya, siya’y nakulong sa isang kahong pinili niyang pasukin. Siguro’y napagod na siya sa mapaniil sa sistemanag laganap, siguro’y napanghinaan na siya ng loob dahil sa limitado niyang kalayaan, siguro’y nanlupaypay na siya, bunga ng kaisipang siya’y mahina at kumulong sa kanya upang mawalan ng karapatang patakbuhin ang kanyang sariling buhay.

Ang mga dasal at pagrorosariyo niya’y di nagpagaang ng kanyang suliranin. Ang pag-aalay niya ng sarili sa paglilingkod sa Panginoo’y tila di naging sagot upang siya’y makapanibagong buhay.
Naging bilango siya ng mapait na kapalaran, naging tanikalang bumibihag sa kanya ang kanyang pagpasok sa kumbento, Ang akala niyang sagot sa kanyang sulirani’y, nagsilbing panibagong labang kaniyang susu-ungin.
Di ba’t si Magdalena at si Maria Clara ay walang pinag-iba? Pareho silang biktima ng lipunang mapanghusga, ng patriyarkal na kaisipang babae’y sekondarya, ng sistemang nagpipinid sa tunay na ganda at halaga ng babae sa apat na sulok ng tahanan upang magsilbi at magtiis, ng kulturang kimi at takot na sumalansang sa daluyong ng naghaharing imperyo?

Ang mga daing nila, dala ng hanging malayang umiihip sa mga kabukiran at lunsod, sa kabundukan at kapatagan. Bumubulong, ngunit di marinig, nagpaparamdam ngunit di alintana. Sa bawat pagdaloy ng luha ng kababaihan, saksi ay ulan na malayang bumubuhos upang diligin ang mundong maalibok at maalinsangan. Hatid ay ginhawang panandalian at naghahanda sa panibagong laban sa muling pagsikat ng haring araw. Katulad ng maraming kababaihan ng kasaysayan na halos karamiha’y walang pangalan at mukha, ang pagnanais na kumawala sa patriyarkal na kaisipang umiiral ay patuloy na nag-aalab. At umaasang panahon ng kamulatan ay atin nang makamtan.

Kalayaan, ang naiisin ng mga kababaihan. Pagkakakilanlan higit sa aming katawan. Pagkakataong tinig nami’y marinig. Karapatang makapagdesisyon ayon sa aming naisin at simulain. Huwag ninyo kaming ikahon sa kaisipang mahina, iyakin, matiisin, pangbahay at aliwan. Ating palayain ang pare-pareho nating damdaming bilanggo ng kaisipang babae’t lalaki’y pinaghihiwalay ng hirarkiya ng lipunan, ng kulturang may dominante at may alipin, ng ugaling mapaniil at mapagsamantala.

Sabay nating tanawin, babae at lalaki, ang bukas sa maluwang na pintuan ng pagkakaisa, sabay nating taluntunin ang hiwaga ng buhay sa ating paglalakbay, sabay nating palayain ang kapwa natin damdamin at kaisipan sa patriyarkal na sistemang lumalamon sa ating pagkatao.

Lalaki ka, babae ako, tuwang tayo! Lalaki ka, babae ako, pinagpala ng magkaibang katangian at kakayanan upang magtulungan sa magkaiba nating pangangailangan. Lalaki ka, babae ako, buwagin natin ang pader ng pagwawalangbahala at pangmamaliit, at simulan natin buoin ang tulay ng ugnayan at unawaan na si Hesus ang panulukan.

Aileen dela Cruz Isidro-Carbonell
(a paper submitted to the course Feminist Interpretation of the Bible)


0 Comments:

Post a Comment

<< Home