Tuesday, September 14, 2004

Tag-Ulan at mga Damong Ligaw

Maraming ala-alang dala sa akin ang tag-ulan. Karamihan ay pilit kong nililimot at ninanais kong matangay kasama ng ulan sa masaganan nitong pagbuhos. Ngunit tulad din ng tag-ulan na pansamantalang magbibigay daan sa tag-araw, panandaliang ang aking kahilinga’y nakakamtan. Panandaliang di nasasagi ng isipan ang mga pangyayaring dulot ay katahimika’t kalungkutan sa sariling inaaliw ng kasalukuyan.

Minsan sa aking pag-iisa, habang nakatanaw sa bintana, mga damong sa isang bakanteng lote sa gilid ng bahay atensyon ko’y pinukaw. May mga munti’t makukulay na bulaklak sa manipis nilang tangkay ay namumukadkad, sa tubong sala-salabat ay nagbibigay saya sa abandonadong lupa. Namalayan ko na lamang na ako’y napapangiti sa pang-akit nilang dala. Natahimik ang bagabag kong puso at mga larawan sa aking isipan unti-unting nagkakaanyo.

Gawi ko noong ako’y pito hanggang walong taong gulang (1988-1989) ang maglaro ng manikang papel tuwing umuulan, sa dahilang di ako makalabas ng bahay, at mga kalaro’y ‘di mapuntahan. Gustung-gusto ko ang gawa ni tatay na manikang papel. Naalala ko pa, na nakikipag-agawan ako ng karton ng “MilkMaid”, pinakamurang pulbos na gatas ng panahon na iyon. Doon sa karton na iyon iginuguhit ni tatay ang isang babeng malaoy aking gugupitin upang mabihisan ng iba’t ibang damit na yari din sa papel.

Mula sa pag-aaliw na ito, aking nararamdaman ang suporta at pagpapahalaga ng aking tatay. Ipinagmamalaki ko ang aking manikang papel sa aking mga kalaro sa bintana. Tinatawag ko ang kanilang atensyon sa pagpapalit-palit ng papel na damit sa pasamano. Kahit naaanggihan ang manika ko’t damit na papel ok lang. Kapag basa na at kailangan ng palitan, e di, ipapakita ko naman kung paanong gumuhit ng mga damit na bago para sa manika ko. Mas magaganda ang kulay, mas magagara!

Ang pagpaparan’ya ko’y natatapos kapag si nanay ay nariyan na galing sa palengke. Maraming trabaho ang animo’y kanyang bitbit at isang bulto sayo’y isasabit. “ Ang kapatid mo ang ginagawa?”, Anong ginagawa mo, isarado mo nga yang bintana!”, Gutlayin mo nga itong gulay, pagkain natin ‘to mamaya!”

Ang sama ng loob ko, kaya nga ba ayaw ko ng tag-ulan. Naiiipit ako sa gawaing bahay. Wala akong dahilan upang lumabas para makalusot sa sunud-sunod na utos. Nakakatakot pa ang kidlat na sa madilim na langit ay gumuguhit, dala’y babala ng matagal-tagal na pagtigil ng kaulapang madilim na sa gunita ko’y puno ng kalungkuta’t pagtitiis.

Apat kaming magkakapatid, ako ang panganay at nag-iisang babae. Responsibilidad ang ibig sabihin sa akin ng kalalagayan kong ito. Lumaki ako sa isang kapaligirang ang turing sa babae’y taong bahay at tagapag ligpit ng duming nagkalat. Ang boses ay pinid sa bawat sulok ng kabahayan, tanging pagpasok sa eskwela ang pahinga sa pagsisinop, pag-uurong, pagwawalis at iba pang gawaing bahay na animo’y di nauubos, na sa mura kong katawa’y lumalamog.

Abot ko ang kalagayan namin. Walang permihang trabaho ang aking tatay at si nanay naman ay nagtitinda ng gulay, tinapa, at atsara sa plaza t’wing hapon. Lahat kami ay iginagapang nila, upang makatapos kami ng pag-aaral. Bakas sa twinang pinagsasabihan at sinasaysay ni nanay ang pagnanais n’yang maibigay sa amin ang bawat naming pangangailangan at kung gaano siyang nasasaktan sa tuwing wala kaming maibaon sa eskwelahan, dahil matumal ang paninda at sapat lang ang perang kinita upang maitawid ang buong araw naming lahat.

Parehong di nakatapos ng elementarya ang aking mga magulang. Sa murang gulang natuto silang maghanapbuhay at itaguyod ang sari-sariling pamilya. Di na nila napiling ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral kahit gaano man nila ninanasa, dahil sa hirap ng buhay na kanilang dinanas. Ayaw nila kaming matulad sa kanila, kaya kahit mahirap, sagaran silang magtrabaho, para sa aming kanilang mga anak.

Kapag dumarating ang buwan ng Hunyo at Agosto, lagi kaming kinakabahan sa lakas ng posibleng bagyong paparating. Nakatutok kami sa telebisyon, upang malaman ang mga bagong inpormasyon sa unos na darating o dumating. Tagpi-tagpi lamang ang aming bahay. Sandyang di maipagawa dahil pera’y nakalaan sa sikmurang kumakalam at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan. Ilang bagyo narin ang nagtangkang tangayin ang aming bubungan at lurayin ang dingding ng bahay, sa awa ng Diyos di sila nagtagumpay.

Si tatay at nanay ay magdamag na gising sa tuwing ang kalangita’y ibinubuhos ang kanyang sama ng loob sa kalupaan. Nakatingala sila at matamang nakikiramdam sa kalalagayan ng bahay. Habang kaming magkakapatid naman ay tabi-tabing kanilang kinukumutan. Sinisugaradong walang anumang sa ami’y makakagalaw. Kapag nararamdaman ng aking tatay ang langitngit ng bubungan, daglian niyang lalambitinan ang pamakuan ng bubongan, na sa lakas ng hangi’y nakikipaglaban.

Looban ang aming tinitir’han. At sa tuwinang umuulan, di kami ligtas sa baha. Binubuhat kami isa-isang magkakapatid papunta sa labasan sa aming pag-pasok sa paaralan at sa hapon nama’y inaantabayanan upang muling pasanin ng pagal na katawan sa mag-hapong pagtratrabaho.

Nasa sekondarya na ko ng unti-unting loob na ng bahay namin ang binabagyo. Halos araw-araw akong puyat sa pagsundo sa aking tatay sa kanto kasama ang barkadang naglalasingan. Ako ang isinasangkalang ng aking lola upang si tatay ay yayain pauwi, dahil sa akin lang daw s’ya nakikinig. Lumaki akong mas malapit sa aking tatay. Datirati’y di ako makatulog ng di sa kanyang mga braso nakakilig. Na sa tuwing ang ngipin ko’y sasakit, ang haplos ng kanyang puro kalyong palad ay animo’y gumagamot sa ngiping kumikirot, hanggang sa tuluyan na akong makatulog. Pero ano ito, pinupuyat ako ng sarili kong tatay sa pagbabantay at pakikipagsagutan sa kanyang kainumang ayaw siyang paalisin kahit gumagapay na’t laman ng tiya’y sinusuka sa gilid ng tindahang ang mga bantay ay napupuyat din nila. Kapag napauwi ko nama’y gising ako hanggang madaling araw, o hanggang ang buong bahay ay di pa nananahimik sa sigawan. Ayaw ni nanay, na nag-iinom si tatay, at inaaway niya ito sa tuwing darating mula sa inuman. Ngunit ang bawat salitang namumutawi kay Inay patungkol sa mga saloobing paulit-ulit n’yang sinasaysay ay animo’y walang dating at ingay lang kung ituring. Hindi ito pinapansin, malaon pa’y siya na ang sisisihin sa sitwasyong sa ami’y umaalipin. Alam kong pareho silang responsible sa gulong tumitindi, ngunit di yata’t ang mga sigaw ni itay ay mas matimbang na iniintindi! Ang palitan ng mga salita’y umaalingaw-ngaw na pati kapitbahay ako’y pinagagalitan, “Patigilin mo nga ang mga magulang mo!” palagian nilang samo, sapagkat himbing ng pagtulog kanila nang naiistorbo. Ngunit anong magagawa ko? Mas lalong di ako pakikinggan, paanong ang tinig ay maririnig sa ingay na tumitindi at nagdudulot ng mas malalim na sugat na sa damdami’y nanunuot. Kailangan kong hintaying kapwa lakas nila’y maubos sa pakikipag-sigawan at pumagitsa sa ambang suntukan.

Masakit, napakasakit na dalhin sa dibdib ang ganitong eksena halos araw-araw. Maraming bagay na di na nila napagkakasunduan. Ang linya ng pakikipag-ugnayan ay naputol na ng kaabalahan. Di na nila kilala halos ang isat-isa na tila napapalala pa ng walang humpay sa pagdating ng problema.

Alas otso na ng gabi, wala pang ulam, si nanay ay wala pa rin sa bahay. Si tatay walang kasiguraduhan kung makakapiling namin sa tulugan. Mainit ang ulo ni nanay ng dumating, nabalitaang nayaya na naman ng barkada si tatay sa inuman, may birthday daw at di n’ya kayang tanggihan ang anyaya ng kaibigan. Walang kita si nanay dahil, dagsa ang bangus sa pamilihan bunga ng magdamag na pag-ulan. Maraming palaisdaan sa laot ang nasira kaya ang mga bangus na alaga’y malayang naglipana. Paano mapapansin ang tinapang sampu-tumpok kung ang bangus ay sa parehong halaga iniaalok. Inaangkat ni nanay ang tinapa, pinupuhunanan, kaya ang bawat araw na kita ay mahalaga, sapagkat ito ang dedetermina kung bukas ay meron siyang paninda.

Ang buong kabahayan, ay tahimik, ayaw ng makisalo sa isiping magpapasakit sa ulo ni nanay. Hanggang sa umiyak ang aming bunso dahil sa gutom. Pinatatahimik ng sumunod sa akin, ngunit bagkus na tumahimik, lalong ang iyak niya’y tumaginting. “Naku po!” sabay-sabay na usal ng iba ko pang kapatid. Dama ang pagkatakot at panginginig, pagkat palad ni ina’y sa puwit nila’y sasapit. Lumalatay ang palo ni nanay, sapagkat kung di titigil ang kapatid ko sa pag-iyak, ang panalo niyang rattan na nakasuksok sa bubungan ay ang susunod n’yang i-aambang. Ang pagdapo nito sa iyong katawan, ‘wag munang naisi’t ang dadapuan, ay tiyak na mag-aalumpihit. Damay-damay na, pati ang nagmamagandang loob, umiyak narin ng hagot. Sa silong habang ako’y nagluluto sa kalang de-uling, para akong nawawalan na ng lakas upang akin pang sawayin ang nangyayari sa taas. Wala akong nagawa kundi rin ay umiyak. Kasabay ng ulang kanina pa nag-aabang, sa masaganang pagbagsak.

Ang anggi sa pintuan, ay di ko na alintana, puno ako ng hinanakit. Ang sikip ng dibdib ko, di ako makahinga. Para na kong sasabog sa galit na nadarama. Ngunit kanino ako magagalit? Sa mga magulang kong tila alipin na ng hirap ng sitwasyong tinatamasa o sa kapatid kong pasimuno ng pag-iyak o sa sarili kong walang magawa?

Walang humpay ang hampas ng hangin at ulan sa dingding. Tubig ng ula’y tumatagos na sa sawaling aming sapin. Basa na ng ulan ang buhok ko, at giniginaw narin. Matagal pa ang magdamag na sa aki’y bumibihag upang makapaglakad-lakad. Ayoko nang kanila pang marinig ang iyak kong, matagal ko ring inangkin. Pero para na ‘kong sasabog. Ang kulog at kidlat ay tila nakikipagsabayan ng ingay sa kapaligiran. Sa muling daluyong ng ulan, kipkip ko ang aking tuhod at ako’y tuluyan ng bumigay. Habang ang huni ng hanging nag-aalimpuyo ay nananalaytay, sa munting sulok ng aming lutuan doon ko naibuhos ang sama ng loob kong sa kaibuturan ko’y namamahay.


Nakatulog akong umiiyak, sa sulok nayon ng lutuan. Nang maalimpungatan ako’y payapa na ang kapaligiran. Nakatulog narin pala sina nanay ng di na naghapunan. Umaambon-ambon, banayad na pumapatak sa pisngi kong natuyuan na ng luha. Pero anong hiwaga, mula sa mata kong namamaga, kagandahan ng sumisilang ng umaga’y aking kinamangha. Ang hanging walang awang umiihip kagabi, ngayo’y tahimik na umaagoy, hibla ng buhok ko’y inuugoy. Sa langit aking natanaw, bahagharing manipis na nakahanay sa langit na malinaw at batbat ng kapayapaan. “ Salamat po Diyos ko” ang akin lamang nausal.

Umupo ako sa ikatlong baiting ng aming hagdanang malamig at babad ng ulan. Nasa gilid ito ng aming dingding na gabay upang makarating sa ikalawang palapag ng bahay. Ngunit ‘di ‘to nasakop ng pagbububong, kaya nanatiling tambad sa kaulapan. Ang puso ko’y banayad na pumipintig, wala ang paninikip. Malaya kong naigagala ang aking paningin sa tanawing iniwan ng bagyong sa baya’y humimbing.

Ang mga damong naglipana, pinuputol at inaapula ang kanilang malayang pagtubo sa malawak na lupa. Ngunit kahit anong gawing pagsalansang, hayo’t patuloy na lumalaban. Sa pisngi ng lupa nakahanay, kumikinang sa ilalim ng init ng araw.

Maraming mga pangyayari sa buhay ko ang aking pinagbabawalang mamulawi sa aking kaisipan. Ngunit kailangan lang pala ng pagkakataong puso ay mabuksan at isipa’y hayaang ang gunita’y maglakbay sa malawak at malagom na nakaraan upang ang aninong walang anyo’y mabantad ang kagandahan.

Mumunting pangyayari sa ibat-ibang pagkakataon. Salasalabat na tumutubo sa maling sitwasyon. Magulo, walang ayos, sakit ng ulo at damdami’y ginugulo. Ganyan ang problema kung dumating sa buhay ko. Sa dulo ng bawat unos, ang layuni’t halaga nito’y duon natatago.

Ngayon ko lang naunawaan na di lang pala ako ang nakikipaglaban sa karapatang ang opinyo’y marinig at mapakinggan. Ang bawat pagsigaw ng nanay ko sa gitna ng probemang sinusuong ay pamamaraan n’ya upang ang saloobin ay maisiwalat at ang iniisip ay mabantad sa kapaligirang babae’y pinangkakaitan ng karapatang magdesisyon at mangatwiran. At sa kabila ng maingay ng lipunan ang tinig sa ilang ay umalingawngaw. Mahirap na pakikipagsapalaran, ngunit kailangan n’yang gawin, para sa sarili n’ya ay sa amin. Malumanay niyang pinapaliwanag ngayong siya’y naririnig at pinagpapahalagahan ng ama ng tahanan, ang mga dahilan sa kabila ng karahasan sa ngayon ay kanya nang pinagsisisihan. Handang magsimula at humarap sa mga ulang parating. Hindi kanya-kanya, kundi bilang isa, magkabiyak sa hirap at ginhawa.

Mga hapdi, sakit, pagtitiis at saya. Lahat ay tumulong na sa akin ay humulma. Mga aral, obserbasyon at karanasang aking sinuong ay ang mga dahilan kung ano ako ngayon.

Tunay na kasingkulay ng bulaklak ng damo ang mga eksena sa buhay ko. Kinailangan ng liwanag upang mamukadkad at ang ganda’y mabantad sa mga mata nagpahinga sa kaiiyak, at sa pusong minanhid na ng hirap.

2 Comments:

At 4:58 PM, Blogger Rev. Anacleto G. Guerrero said...

13 Setyembre 2004

Aileen:

Mahusay kang maglahad ng iyong karanasan at maliwanag ang iyong paghabi ng iyong kalagayan. Madaling makita ang iyong kalungkutan sa iyong mga paglalahad. Kung kaya mo, isulat mong lahat ang iyong mga pagsusumikap upang magluwag ang iyong dibdib. Natatanaw ko sa iyong mga pangungusap ang isang masakit na kahapon at nasaktang musmos na kaisipan. Ngunit, nakikita rin ang tibay ng iyong pakikipaglaban sa mga pangyayari. Hindi ka nag-iisa sa ganyang karanasan. Maraming nilalang ang higit pang nagdanas ng mas masahol pang mga kabagabagan.

Mapalad ka pa rin sapagkat buhay na buhay ang iyong mga magulang. Nakita at nasaksihan mo ang kanilang pakikibaka sa mundo ng mga nilalang na animo'y kapus-palad. Mayroon silang pundasyon ng pagmamahal sa kanilang pamilya. Dumarating lamang ang panghihina kung may mga bagay na hindi na nila kayang lutasin agad-agad. Sila'y biktima ng hindi sinasadyang kahirapan. Sinubukan nilang makipaglaban. Ginawa nila ang kanilang dapat gawin. Tanungin mo rin ang iyong sarili: Kung ikaw sila, ano ang iyong gagawin? Kung ikaw sila, ano ang iyong paraan? Kung ikaw sila, ano?

Mapalad ka. Nalaman mo ang kagandahan ng buhay nang ikaw ay bata pa. Mapalad ka. Naranasan mo ang makipagtagisan sa kahirapan. May tagumpay na naghihintay sa mga taong marunong umunawa. May pag-asa ang isang nilalang na nakadarama ng ihip ng hangin sa kalawakan. Ang karanasan ang siyang nagtuturo sa sangkatauhan kung ano ang dapat at kung ano ang matuwid. Matuwa ka sapagkat marunong kang lumingon sa iyong mga naging karanasan. Nasa mga iyon ang malakas at maliwanang na tinig na nagsasabing dapat kang lumakad, magpatuloy, maging tapat, maging matapang at magpakababa sa harapan ng Puong Maykapal. Gawin mo ang alam mong marapat, karapatdapat, at tapat.

Mula kay Rev. Guerrero.

 
At 5:00 PM, Blogger Rev. Anacleto G. Guerrero said...

13 Setyembre 2004

Aileen:

Mahusay kang maglahad ng iyong karanasan at maliwanag ang iyong paghabi ng iyong kalagayan. Madaling makita ang iyong kalungkutan sa iyong mga paglalahad. Kung kaya mo, isulat mong lahat ang iyong mga pagsusumikap upang magluwag ang iyong dibdib. Natatanaw ko sa iyong mga pangungusap ang isang masakit na kahapon at nasaktang musmos na kaisipan. Ngunit, nakikita rin ang tibay ng iyong pakikipaglaban sa mga pangyayari. Hindi ka nag-iisa sa ganyang karanasan. Maraming nilalang ang higit pang nagdanas ng mas masahol pang mga kabagabagan.

Mapalad ka pa rin sapagkat buhay na buhay ang iyong mga magulang. Nakita at nasaksihan mo ang kanilang pakikibaka sa mundo ng mga nilalang na animo'y kapus-palad. Mayroon silang pundasyon ng pagmamahal sa kanilang pamilya. Dumarating lamang ang panghihina kung may mga bagay na hindi na nila kayang lutasin agad-agad. Sila'y biktima ng hindi sinasadyang kahirapan. Sinubukan nilang makipaglaban. Ginawa nila ang kanilang dapat gawin. Tanungin mo rin ang iyong sarili: Kung ikaw sila, ano ang iyong gagawin? Kung ikaw sila, ano ang iyong paraan? Kung ikaw sila, ano?

Mapalad ka. Nalaman mo ang kagandahan ng buhay nang ikaw ay bata pa. Mapalad ka. Naranasan mo ang makipagtagisan sa kahirapan. May tagumpay na naghihintay sa mga taong marunong umunawa. May pag-asa ang isang nilalang na nakadarama ng ihip ng hangin sa kalawakan. Ang karanasan ang siyang nagtuturo sa sangkatauhan kung ano ang dapat at kung ano ang matuwid. Matuwa ka sapagkat marunong kang lumingon sa iyong mga naging karanasan. Nasa mga iyon ang malakas at maliwanang na tinig na nagsasabing dapat kang lumakad, magpatuloy, maging tapat, maging matapang at magpakababa sa harapan ng Puong Maykapal. Gawin mo ang alam mong marapat, karapatdapat, at tapat.

Mula kay Rev. Guerrero.

 

Post a Comment

<< Home