Wednesday, September 15, 2004

Saranggola

Minsang nauwi ako sa probinsyang kinalakihan. Umagaw ng aking pansin ang mga batang magpapalipad ng saranggola sa isang malawak, luntian at mahanging kabukiran. Sa di kalayuan matatanaw ang paradahan ng mga pampasaherong sasakyan. Sa kaliwa naman ay ang pampublikong ospital ng bayan na malapit sa boundary. Sa bandang likuran ay ang mga night clubs na naglipana sa lugar.

Sa bughaw na langit, duon namamayagpag ang saranggolang yari sa ibat-ibang materyales. May yari sa tingting, ang iba’y sa kawayan. May pisi ang gamit at sa iba’y sinulid naman. Kapansin-pansin ang bumabalot na makukulay na plastik at naglalay na buntot. Karamihan ay balot ng plastik na mula sa isang kilalang grocery store ng lugar. Samantalang ang iba’y tela at papel na malalapad.

Di alintana ng mga bata ang init na dulot ni haring araw. Mayaman, mahirap duon ay pantay-pantay. Tila baga, napapawi ng simpleng saranggola ang anumang kapagalan, manapa’y napapalitan ng kasiyahang di mapantayan.

Ang pag-ikot ng mundo’y dagliang tumitigil. Ang sari-sariling alalahanin, problema at pasanin, pansamantalang napapalis sa gunitang nag-aaliw. Mga ngiti, tawanan, tulungan, asaran sa paligid ay s’yang nagsisilbing musika ng pagkakaisa at pagkakaibigan.

Habang aking minamasdan ang matayog na saranggolang sa hangi’y nakikipaglaban. Mataman kong sinusuri ang batang nakatingala’t may hawak ng pisi. Bakas sa kanyang mukha ang konsentrasyon, ang pagnanais na ang angking saranggola’y mamayagpag sa kabila ng naglipanang balakid o hamon.

Ang hanging, tila sa bata’y nakikipaglaro. Umiihip na animo’y saranggola’y dinuduro. Mula sa tiwasay nitong paghimo, tatag ng saranggola’y kanyang sinusubok at nililikot. Ang bata sa ibaba matatag na sumasagupa, nagtitiis, nakikiramdam sa paligid. Upang daliang makapagpasya sa posibleng hakbang na dapat gawin sa pising hawak niya at sumalunga sa panganib na nakaamba. Kahanga-hanga diba?

Sa buhay ng tao kung aking ihahalintulad, ang bata ay ang indibidual na may hawak ng kanyang kapalaran na sa mudong ibabaw ay nakikipagsapalaran. Tunay na maraming elementong naglipana’t sumusubok sa kanyang katatagan, Ngunit ang tagumpay ay sadyang nasa kanyang mga kamay nakasalalay.

Tulad din ng saranggola, sa himpapawid ay rumarampa, ibayong paghahanda muna ang isinagawa. Kung gaano ang kanyang itatagal sa ere ay masusukat sa preparasyong sinabak. At sa uri nga materyales na dito ay inilaan. Paghahanda’y mahalaga. Kung paano nang tao inihahanda ang kanyang sarili ay salamin ng itatagal niya sa arina ng buhay.

Ang batang nagsasaranggola, umuuwing ding luhaan at saranggola’y gutay-gutay, isama pa ang galit ni nanay, dahil di ny’a nagawa ang utos sa bahay.

Magpapalipas lang ang bata ng magdamag, magmumuni-muni at maghahanap. Hahanap ng panibagong gamit, at pising matatag upang sa muling n’yang pagpapalipad ng saranggola’y matiyak niyang tatagal, sa pagnanais na sa susunod na pag-uwi’y maiba ang awra ng kapaligiran. At nang sa susunod na utos ni nanay ay maluwag n’yang magampanan sapagkat ang damadami’y kontento, laban ay naipanalo.

Bumabagsak tayo, marurulay at minsa’y nababalian ng tangkay. Ngunit sa puso ng isang adbenturero, may paninindigan, may inaasam at determinadong tao, ang pag-iisip at pag-atras sa laban ay di pagkatalo,bagkus ay pagkatuto na nagbibigay daan sa pagsilang ng bagong pag-asa at bagong kalakasan.

Ito ay pamamaraan din upang masuri ang sarili, kung ang ating ginagawa’y naaayon nga ba sa tunay nating naisin at ayon sa ating kakayahan. Dahil minsan, nadadala lang pala tayo ng kantsaw ng barkada o impluwensya ng lipunan.

Di nga ba kailangan din nating marinig ang tinig sa kaibuturan natin, na palagiang natatabunan ng ingay ng paligid. Ang sandali para sa bata upang manahinik sa mahalagang sandali sa kanyang pagkatao. Dito n'ya naririnig ang tibok ng kangyang puso, nararamdaman ang kanyang paghinga at nakikita ang dumi sa kanyang mga paa dulot ng maghapon n’yang paglalaro.

Ang pagdedesisyon ang susunod dito. Desisyong lilikha ng panibagong karanasan at panibagong kaalaman. Maaaring naaayon sa dati o di kaya’y bago at tutuklasin pa lamang.

Tulad ng luntiang kaparangan, sa liwanang ng sikat ng araw. Ang buhay ay maraming anggulong iyong matatanaw. May iba’t ibang pang-agaw eksena. Ang hangi’y umiihip na animo’y matamang nakatingin at nakikinig. Ang tayog natin ay kanyang susukatin, gagambalain at susubukin. May saya at lungkot na dala ang bawat takipsilim. Ngunit ang batang batbat ng pag-asa at pananabik sa bukas, ay payapang matutulog, inihahanda ang sarili sa bagong hamong dala ng bukangliwayway.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home