Tuesday, September 14, 2004

Manggagawa at Pamilya

Akala mo, sa tulong ng iyong sweldo;
Natutustusan na ang pangangailangan ng pamilya mo;
Pagkain, damit, kasangkapan at matrikula;
Bakit sa kabila nito’y puso ninyo’y magkaiba?

Mainit ang ulo mo pag-uwi ng bahay;
Tila bagabag mula sa trabaho, sa tahana’y taglay;
Iyo nang sinisita maging maliliit na bagay;
Sapagkat sarili sa kanila’y di maiugnay;

Aburido at malayo ang iyong pagtanaw;
Di na napapansin ang sa paligid ay gumagalaw;
Ang kasiyahan, maging personal nilang agam-agam;
Lungkot, tagumpay, nais sanang sa iyo’y ipaalam;

Ngunit pinipili nilang sarilinin na lamang;
Sapagkat itsura mo’y di na mailarawan;
Ang tulay ng kalinga ay agad mong pinipinid;
At di mo minamarapat sa sila’y tumawid;

Paligid mo ay tila napapalibutan;
Nang palaisipang, sa ulirat ay gumigimban;
Sarili’y di makita at maapuhap;
Puso’y nakukulong ng pagod at ng hirap;

Ang Pamilyang dahilan ng ‘yong pagsusumikap;
Nang pagpupuyat at pagkayod ng sagad;
Ay tila di mo kaisa, sa mga usapang;
Higit na malalim at makabuluhan kaysa pera;

Kailan ka babalik sa iyong sariling diwa;
Upang iyo nang mapansin at madama sila;
Mga taong sa iyo’y umuunawa at nagtitiyaga;
Umaasang di magtatagal ika’y makasama;

May pagkapagod din ang matamang paghihintay;
Kailangan mo’y aksyon, bago sila’y mahiwalay;
At hindi na makilala pa nang tuluyan;
Nang mga minamahal mong nasa iyong likuran;

Kailan magiging maganda sa iyong tainga;
Ang halakhakan at inggitan nila?
Kailan nagiging kapanapanabik ang magulong kabahayan;
Dala ng kanilang landian at paglalambingan?

Baka marami ng bagay sa kanila’y di mo na alam;
At tuluyan nang lumalaki ang uwang;
Nang pagkakakilanlan at pagkakaunawaan;
Mga bagay na esensyal sa isang sambahayan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home