Thursday, September 02, 2004

Ang Saya ni Lola



Gawi ni lola ang magterno ng bistida at sáya. Karaniwan, ang kanyang bistida ay bulaklakin na may "rapols" sa balikat at kulot na linya sa bandang dibdib ng damit, na patitingkarin ng puting sinulid na sa paligid ng linya’y nakalilip. Karaniwan ng may dalawang bulsa sa harapan o kaya’y tagiliran ang mga sáya ni lola. Pinaghahalinhinan niya ang paggamit ng mga ito base sa kanyang damit bawat araw.

Si Lola ay tindera sa palengke noong araw. Pero di siya pinalad na makabili ng p’westo sa palengke sa mahal ng bentahan. Kaya napilitan s’yang maglako na lamang. Malinaw sa aking ala-ala ang palagian kong pangungulit sa kanya na ako ay isama sa paglalako ng paninda sa karatig bayan. Hindi ako nabibigo! Madaling araw pa lamang gising na kami ni lola. Naghahanda sa aming paghango ng paninda. Pagdating namin sa palengke, iniiwan n’ya ako sa tabi ng isang tindahang kanya akong matatanaw habang s’ya’y nakikipagtawaran sa kanyang mga suki sa isdaan.

Minsan siya’y aking tinanong bakit dinodoblehan pa n’ia ng sáya ang kanyang bistidang may bulsa na naman sa gilid. Kung lagayan lang ng pera o anumang sagabal sa kamay, sa tingin ko’y sapat na ang bulsa ng bistida. Ang tugong aking nakuha mula sa kanya ay “Apo kailangan ko ito, higit sa inaakala mo.”

Ang paglalako ng paninda sa karatig na bayan ang nagiging pang-araw-araw na eksena sa buhay ni lola. Naging pangkaraniwan narin ang sáya sa istilo ng pananamit n’ya. Ang mga makukulay, mabubulaklak, guhit-guhit at simple n’yang koleksyon ng ordinaryong sáya dala ay mga ala-alang sa buhay ko’y mahalaga.

Sa tuwing ako’y pagagalitan sa bahay, si lola ay sisilip at alam kong sa labasan ay nakikinig. Pinakikinggan niya ang pinapangaral sa akin ng aking magulang, maging ang mga sagot na aking inuusal. Hanggat salitaan pa lamang ang nangyayari sa bahay, di siya makikialam, Ngunit pumapagitna na siya kung ang pamalo’y nakaamba na. Minsan nakakaabot naman si lola bago ang pamalo’y sa puwit ‘ko ay dumata, ngunit karaniwan ay nauunahan s’ya ng bilis ng kamay ng galit kong Ina.

Bilang parusa sa aking kasutilan, di ako puwedeng lumabas ng tahanan. Ang lahat ng gawain sa akin nakaatang, kailangan kong tapusin kahit kalaro ko’y nagkakasiyahan. Pero may paraan si lolang naiiba. Ipagpapaalam niya ako sa aking ina upang samahan s’ya sa pagsisimba. Siyempre di na sila makakatanggi, samahan pa ng mga paliwag ng lola na sadyang matitindi. Laging nagsisimba si lola tuwing hapon at ito ang kanyang pagkakataon upang "i-rewind" sa akin ang nangyari sa maghapon. Habang nasa daan kanyang iniisa isa ang mga pangaral ng aking ina, na di ko maintindihan ang kahulugan pagkat ako’y nabibingi na sa malakas niyang pagsasalita. Hihimayin ito ni lola at ipauunawa niya sa aking murang isipan hanggang sa ako naman ang umiyak sa harap niya dahil sa sama ng loob na nadarama.

Sa ganitong pamamaraan ni lola nakikita ko ang aking kamalian ng malinaw, nadarama ko ang pagmamahal na nakatago sa galit na mga pangungusap ni Inay, nauunawaan ko ang halaga ng mensaheng nais iparating ni inay at nabibigyan ako ng pagkakataong maipahayag ang damdamin kong ayaw ni inay na pakinggan.

Hinahayaan ako ni lola na umiyak, maglabas ng sama ng loob, magpahayag ng pagtatampo at maibulalas ang nararamdaman at iniisip ko. Habang siya ay nakikinig. Di niya pinagbabawalan ako na magsalita, sapagkat sa pagkakataong ito, naihahayag ko ang aking kaibuturang okupado ng mga tanong, sama ng loob at hinanakit. May mga kaisipan akong sa ganitong pagkakataon ko lang nasasaysay, may mga pagdududang nasasambit at mga tanong na naiparirinig. Ang puno kong sarili ay lumuluwag, nagkakaroon ng puwang na di ko namamalayan. Puwang na handang napunuan ng bagong kaisipan, paliwanag, pang-unawa at aral na sa pagkatao ko’y humuhubog at nagpapatatag.

Pag di ko na kayang umiyak pa at mata ko’y pugto na, ang sasabihin ni lola, “Tapos ka na ba?” Sinyales na ito ng pagkakataon upang magkuwento ng karanasan niya, ng kanyang pangarap, naisin at pananaw. Habang siya’y nagkuk’wento, nakatungo lang ako. Nahihiya kasi ako na makita ng mga taong nagdaraan ang mata kong namamaga at ilong na namumula dahil sa katatapos ko lang na eksena.

Nakakaaliw ang mga kuwento niya. Mababanaag sa kanyang mga mata ang sinseridad. Sa mga labi niya, ang matipid na ngiting gumuguhit na animo’y sumasalamin sa kapanatagan at kakontentuhan sa mga nagawa niyang desisyon at kapilyahan noong araw. Ang mga puting buhok niya’y sagisag ng mga nagdaang panahon na sa kanya’y nagdulot ng mga mayayamang karanasang kanya namang walang takot na ibinabahagi at inaala-ala. Dulot man minsa’y pagpatak ng luha niya, ang malayang pagdaloy nito sa kanyang mga pisngi ay dumadalisay sa mga aral ng kanyang buhay, nagdidilig sa pusong tigang upang muling pasiglahin at patatagin sa kanyang paglalakbay.

Mahilig magpasalubong si lola pagkatapos magtinda, ako ang laging nauuna niyang inaalok. Nagseselos nga minsan ang bunso niyang anak dahil laging ako ang kanyang unang hinahanap pagkakadating mula sa maghapong paglalako. Ako ang kanyang kaunaunahang apo kaya ganu’n siguro.

Mula sa bulsa ng kanyang saya doon natatago ang pasalubong niya. Sari-sari, tunay na kapanapanabik at nakakatuwa. Ipinaparanya ko ang aking makukuha sa mga kalarong sa labasa’y nag-aabang na maambunan kahit kapiraso lamang sa pasalubong ni lola. Higit sa pagkain at laruan, bukang bibig ng aming pinsan at mga kalaro “ Ang bait naman ng lola mo, sana ganyan din ang lola ko”. Sa mga katagang ito, nababanaag ang pagmamahal ni lolang masagana niyang ibinabahagi at ipinadarama sa mga anak at apo niya.

Ang sarap magluto ni Lola! Kilala siya sa kanyang sabaw bundok (daing o tinapa ang pangunahing sahog, samahan pa ng sampalok, bunga ng kamote, labanos at talbos ng kamote bilang pampalasa. Ang istilo ng pagluluto? Para kang nagsisigang) at inulang (sinigang na hipon na may gata, talbos ng kamote at sotanghon). Sa kusina siya’y iyong matatagpuan matapos mabilad sa maghapong paglalako ng kanyang paninda.
Ang lahat ay nakaabang na maihain ang mabangong sabaw na kapanapanabik at ang mainit na kanin.

Larawan sa sala-salong inaantabayanan ang di magkamayaw na kwentuhan sa maghapong karanasan. Saan ako naka pwesto? Nasa ibabaw ako ng lamesa, gawi ni tatay na buhatin ako at duon ay ilagay, upang di daw maipit at mapag-iwanan. Mula sa ganitong kalagayan, di malilihim sa akin ang itsura ng mga mukha ng sa hapag kaina’y dumudulog. Malulutong na halak-hakan ay kinaiinggitan ng aming mga kapitbahay, kaya't minsan iyong mapapansin ang di nila mapigil ang pakikisalo at pakikipag-usyoso. Maraming kuwento, hinanakit, biro, pangarap, sama ng loob at opinion ang maririnig. Palitan ng haka-haka at pananaw sa gobyerno, mga kandidato ng halalan at batas na ipinapatupad sa lansangang na nararanasan sa pang-araw-araw na pakikipag-sapalaran.

Si lola ang nagsisilbing reperi sa gitna, ang punong tagapamagitan at tampulan ng kakulitan at pang-aasar. Malaman ang bawat salitang sa kanya’y namumutawi, sa bawat palitan ng kuro-kuro at opinion na nakatago sa nakatatawa niyang biro. Natatapos ang usapang ang lahat ay nananabik sa muling pagsasalo-salo at k’wentuhan.

Gaano man naisin ni lolang ganito ang maging "ending" ng bawat takipsilim ay sadyang di mangyayari. Ang kanyang sáya ang taguan ng mga natuyong luhang masaganang dumadaloy sa kanyang mga matang pilit na tumutunghay sa kabila ng pagod at kapagalan sa gitna ng mga unos na sa kanya’y pansamantalang nananahan.

Mag-isa niyang itinaguyod ang anim na anak nang ang lolo ay nag-asawa na ng iba at duon na namalagi. Walang sustento ang sa kamay niya’y dumapo sa kabila ng kanyang pag-iisa. Ang bawat pagkuyos ng kanyang palad dala ng galit at pag-aalala ay sa kanyang saya naibabaling. Ang bawat kusot at tupi nito ay may ginhawang dala, nakapagpapalaya, napagbabalingan ng damdaming nagpupumiglas at nangangailangan ng karamay. Kinailangan niya pansamantalang tumalikod at manahimik, umiyak, makiramdam, huminga ng malalim, makapag-isa upang magkaroon ng bagong lakas sa muling pagharap sa problema. Karamay niya sa mga sandaling ito ng buhay niya ay ang kanyang saya, na siyang nakakarinig ng kanyang hinanakit, pagdaing, at nakadarama ng tuhod na nanginginig ngunit pilit na tumitindig.

Katatagan ang kailangan niyang ipakita sa harapan ng kanyang mga anak upang kanyang mapanatag ang sitwasyon. Sa kabila nito, maraming beses ko ring nakita, na habang siya’y nagsasalita’t nangangaral sa harap nila ay malaya niyang ipinakikita ang pagluha ng mga matang naninindigan at lumalaban.

Sa aming pamamamasyal at aabutin ng ambon sa daan ang saya ni lola ang dagli niyang ikukulapa sa akin. Sa tuwing ako’y kanyang mahuhuling umiiyak, ang kanyang saya’t daglin nakaagapay, mga luha sa mata ko’y pagdaka’y pinapalis at dala’y kasiguraduhang di ako nag-iisa at may handang sa akin ay dumamay.

Ang sáya ni lola tunay na napakarami nang pinagdaanan, marami nang eksenang nasaksihan. Nadungisan, nabasa, nalamigan, nainitan, nahigaan, ngunit nananatiling sagisag ng isang babaeng nagdulot ng malawak, makabuluhang alaala at katangitanging kontribusyon sa mga mahal niya sa buhay.
(Aileen dela Cruz Isidro, 2003)




0 Comments:

Post a Comment

<< Home